Pahayag ng MUN-UPD sa Araw ng Manggagawa
- Model United Nations UPD
- 3d
- 3 min read

Takda ng Mayo Uno bawat taon ang isang paninindigang makibahagi at unawain ang kondisyon ng ating mga manggagawang Pilipino. Ngayong panahon ng walang kasiguraduhan sa presyo ng mga bilihin, lalo ng krudo, at patuloy na pag-atake sa mga unyonista at organisadong paggawa, higit na nagiging mahalaga ang kolektibong pagkilos at paninindigan para sa makatarungang sahod, seguridad sa trabaho, at karapatang mag-organisa. Hindi lamang ito laban para sa mga manggagawa, kundi laban ng buong sambayanan sapagkat ang dignidad ng mga mangaggawa ang pundasyon ng isang makatarungan at maunlad na lipunan.
Ngayong Araw ng Manggagawa, nakikiisa ang MUN-UPD sa kanilang sektor na patuloy na bumubuo at bumubuhay sa ating lipunan.Ang trabaho nila ay nagsisilbing pundasyon at naglulunsad ng kaunlaran sa bawat bansa sa mundo. Nanatiling hamon ang mga usapin tulad ng hindi ligtas na kondisyon sa trabaho, kontraktwualisasyon, hindi nakabubuhay na sahod, kawalang seguridad sa trabaho, at limitadong access sa serbisyong pampubliko. Nagsisilbing-tanda ang araw na ito sa siglo-siglong hinaing na minana ng ating mga manggagawa mula sa kanilang mga ninuno; isang paalala na ang kanilang pakikibaka ay hindi labis na matutumbasan ng iisang araw ng selebrasyon kundi araw-araw na paghihikahos para sa marangal na pamumuhay.
Bilang mga estudyante, hindi tayo nahihiwalay sa kalagayang ito. Bahagi tayo ng mas malawak na lipunang humuhubog at hinuhubog ng mga sistema ng pagaggawa. Sa kasaysayan, ang mga kilusang pang-estudyante ay naging katuwang ng mga manggagawa sa pagsusulong ng mga reporma, kinikilala na ang laban para sa makatarungang kondisyon sa paggawa ay kaugnay ng laban para sa abot-kayang edukasyon, demokratikong partisipasyon, at katarungang panlipunan. Mula sa loob ng mga pamantasan hanggang sa mas malawak na lipunan, ang pakikibaka ng mga mag-aaral ay nananatiling isa sa mga pangunahing puwersa sa panunuligsa ng sistemang nag-uudyok ng opresyon at ‘di pagkakapantay-pantay. Sa diwang ito, sangkap sa pagiging mag-aaral ng lipunan ang pakikisama sa laban ng bayan.
Sa larangan ng diplomasya, ang usapin ng paggawa ay hindi lamang panloob na isyu ng mga estado. Ito ay nakapaloob sa mga internasyonal na kasunduan, negosasyong multilateral, at sa kabuuang balangkas ng pandaigdigang pamamahala. Ang mga institusyon tulad ng International Labour Organization ay may mahalagang papel sa pagtatakda ng pamantayan, pagpapalalim ng dayalogo, at pagpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng mga bansa. Bilang mga diplomat ng bayan, mahalagang maunawaan na ang karapatan para sa manggagawa ay hindi lamang usaping pang-ekonomiya, kundi isang karapatang pantao na may importansya sa kaunlaran, migrasyon, kalusugan, at pandaigdigang seguridad.
Muling pinagtitibay ng MUN-UPD ang kanyang paninindigan na pag-ugnayin ang aktibismo ng mag-aaral at diplomasya. Hinihikayat namin ang mga kabataan na hindi lamang unawain ang mga isyung ito, kundi aktibong makilahok sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa. Patuloy ang laban para sa karapatan ng mga manggagawa. Bilang mga estudyante, bilang mga tagapagtaguyod, at bilang nangangarap na maging diplomat, marapat lamang na patuloy ang ating paninindigan na isulong ito.
Ang Araw ng Manggagawa ay paalala na patuloy pa rin ang laban para sa karapatan at dignidad ng mga manggagawa. Sa isang mundong nakahulma ayon sa ugnayang pandaigdig, mahalaga ang papel ng diplomasya sa paghubog ng mga patakaran at kasunduang may epekto sa buhay ng mga manggagawa. Bilang mga magiging diplomat, may tungkulin tayong gamitin ang ating kaalaman at boses upang makibahagi sa mga usaping ito at makipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor. Mula sa loob ng pamantasan hanggang sa mas malawak na lipunan, patuloy nating isulong ang mga paninindigang nagtataguyod ng makatarungang buhay-paggawa. Marapat lamang na tuloy-tuloy ang pakikisama at pakikilahok ng ‘sangkaestudyantehan sa pakikibaka ng mga manggagawa; para sa karangalan, kaunlaran, at kalayaan ng lipunan.
For Solidarity Across Borders.







Comments